Puno ng Pasasalamat
Mahirap maging seryoso, pero pipilitin ko.
Meron akong kuwento: Ayon sa kanya na nagpauso ng pilosopiya ng "meron", ang pinuno ay parang isang puno. Narra man o mangga, bayabas man o siningguwelas, saging o santol, atis o aratelis, basta puno.
Sa umpisa, kapag binigyan at biniyayaan ang isang binhi ng sapat na tubig at sinag ng araw, lalaki itong isang malusog na puno. Ang binhing ito na puno na ngayon ay produkto ng nakaraang puno at dala-dala nito ang mga katangian ng punong pinanggalingan nito.
Ngayon, sa pagtubo nitong punong-dating-binhi, kinakailangang may matitibay itong ugat na sumisipsip sa sustansya ng lupa, na siyang nagbibigay-suporta sa punong ito. Kung matibay ang pundasyon ng puno galing sa lupa, magiging matibay din ang punong ito. At kung matibay naman ang puno, nangangahulugang matibay din ang mga sanga nito. Kung matibay naman ang mga sanga, luntiang-tibay din ang mga dahon, at masasabi nating malago ang puno. Kung lahat ng katangiang ito ay kapuna-puna sa isang puno, kapuna-puna rin ang kanyang mga bunga - hindi lang marami, ngunit matamis at masustansya pa - at sa mga bungang ito lalabas ang bagong binhi, ang pangako ng panibagong puno na siyang magpapayabong sa hardin ng mga puno. At kapag ganito ang kalagayan ng puno, anumang unos ay malalampasan nito, dahil matibay ang pundasyon, sanga, dahon, at bunga nito.
Masasabi kong bilang isang pinuno, naging malago akong puno: Salamat sa pundasyon na ibinigay sa akin ng COA (Ana, Robbie, Celine, Oscar, at Maita); ICE (Luigi O, Pi, Louise, Anj, May, atbp.); OSA (Ate Mhir, Ate Joy, Sir Tatot, Ma'am Irene, Ma'am Julie, Sir Redg); si Clarence; si JLo; sa kapwa kong mga pinuno/puno sa hardin ng COA; at sa lahat pa ng hindi ko nasabi na tinulungan ako sa aking "pagtubo". Salamat sa pagbibigay niyo sa akin ng "pagkakapitan". At kahit kadiri itong pakinggan, gusto ko pa ring sabihin na marami akong sustansyang nasupsop sa inyo.
Sa aking Executive Board at mga project managers, sa mga "sanga" na kasa-kasama ko sa samu't-saring mga unos na naranasan natin ngayong taon (Hal: si Yoyong at si Sharky), kulang na kulang ang katagang "salamat" sa aking di-matatawarang utang na loob sa inyo. Wala ako kung wala kayo. Salamat sa iyong pagtitiwala at pag-angkas sa akin. Hindi ko kayang pasanin ang ganitong karaming dahon kung wala kayo. Hindi ko kayang alagaan ang bawat nating kasapi kung wala ang inyong tulong sa paghahatid ng tubig mula sa ugat hanggang sa dahon. Gayundin, nagkaroon tayo ng napakaraming bunga ngayong taon dahil na rin sa inyo. At hindi lamang marami ang ating naibunga ngayong taon, matamis din ito at masustansya, at nakatitiyak akong ikatutuwa at ikabubuti ng siyang sinumang aani ang ating mga bunga, dahil para rin naman ito ikabubuti ng ating "Tinubuang Lupa".
At sa kahuli-hulihan, maraming salamat sa "masustansyang tubig" na binigay sa akin ng aking mga magulang, at gayundin sa dakilang Araw na parating nandyan (oo, kahit pa sa gabi) at walang-humpay ang pagsuporta at pagpatnubay sa akin. Salamat sa mga sinag Mo.
Nagiging nobela na ito at pasensya na rito, ngunit bilang panapos, napagmuni-munihan ko na isa pala akong napakasuwerteng puno at kahit hindi ako perpekto, nabiyayaan pa rin ako ng matatag na pundasyon, matitibay na sanga, malulusog na dahon, at matatamis na bunga. Hiling ko lang na kung anuman, o kung sinuman, ang napiling binhi na susunod sa akin at na siyang magiging punong-dating-binhi rin, nawa'y maipasa ko sa kanya ang lahat ng kanyang kailangan para tumubo, magpatubo, at lalo pang palawakin ang hardin ng Celadon. Nawa'y siya'y maging... "puno".
Maraming Salamat, sa lahat.
JSA
---------------------------------------
Hmm... naisip ko lang. Kung ako ay isang puno, ano kayang puno iyon? Alam ko na! Ponkan! Pero mas mainam siguro kung pinagsamang Mandarin Orange at Dalandan (Manda-landan!)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home